Pahayag Hinggil sa Muling Pag-apruba ng DOE sa Atimonan Coal Plant
Sa gitna ng malalakas na pag-ulan, pagbaha, at pananalasa ng mga bagyong patuloy na nagpapahirap sa ating bayan, muling pinatunayan ng Department of Energy (DOE) kung kaninong interes ang kanilang pinangangalagaan.
Ang muling pagbibigay ng go signal sa Atimonan One Energy coal power plant ay isang malinaw na anyo ng pakikipagkutsaba sa mga dambuhalang korporasyong nagpapayaman habang winawasak ang kalikasan at inilalagay sa panganib ang kinabukasan ng mga Pilipino. Sa panahong dapat ay tumutugon tayo sa climate emergency, pinipili pa rin ng DOE ang landas ng pagkawasak at polusyon.
Ang mga coal plant na tulad nito ay pangunahing dahilan ng greenhouse gas emissions na nagpapalala ng climate change. At ngayon, tayo rin ang umaani ng trahedya: baha, landslide, pagtaas ng dagat, at pagkasira ng kabuhayan. Sa halip na isulong ang malinis at makatarungang enerhiya, DOE ay patuloy na nagbubulag-bulagan sa katotohanan.
Hindi kami papayag. Hindi kami titigil.
Mula pa noong una, malinaw ang paninindigan ng mga mamamayan ng Atimonan at ng buong Quezon: AYAW NAMIN SA COAL PLANT!
Hindi kami matitinag. Ang laban na ito ay laban para sa buhay, para sa mga susunod na henerasyon, at para sa ating nagdurusang Inang Kalikasan.
Panawagan namin: Ibasura ang proyekto! Isulong ang renewable energy! Panagutin ang mga sangkot sa ganitong uri ng katiwalian!
Kami ay naninindigan para sa isang kinabukasang makatarungan, ligtas, at makakalikasan. Ang simbahan, mamamayan, kabataan, at mga sektor ay patuloy na magsasama-sama upang itakwil ang mapanirang proyektong ito.