LocalNews

Go signal ng DOE sa coal plant, ‘death sentence’ sa mga Quezonian – QUEEN

Dismayado ang daan-daang kasapi ng samahang pangkalikasan, simbahan, kabataan, at komunidad sa Quezon sa muling pagbibigay ng eksepsyon mula sa coal moratorium para sa 1,200-megawatt na Atimonan One Energy (A1E) coal plant na isang subsidiary ng power generation arm ng Manila Electric Company (Meralco).

Kaugnay nito, nagsagawa ng protesta ang iba’t ibang grupo sa pangunguna ng Quezon  for Environment (QUEEN) sa labas ng headquarters ng DOE sa Bonifacio Global City, Taguig City noong Hulyo 31.

Ayon sa koalisyon, ang desisyon ng nasabing kagawaran ay isang “death sentence” para sa mga mamamayan ng Quezon Province na patuloy na dumaranas ng matinding epekto ng krisis sa klima.

“Isang dekada na naming ipinaglalaban ang pagpapatigil sa pasilidad na ito, hindi pa ba sapat napaulit-ulit naming sinasabing ayaw namin ng fossil fuel sa Quezon? Malinaw na malinaw ang aming tindig: ilang ulit mang bigyan ng go signal ang Atimonan coal plant, haharang at haharang kami”, saad ni Rev. Fr. Warren Puno, convenor of QUEEN at Regional Coordinator of South Luzon Eco-Convergence Hub of Caritas Philippines.

“Marami na kaming dinanas mula sa mga polisiyang mapanggipit sa sektor ng maliit na mangingisda, at umaasa kami na itataas naman ang proteksyon ng aming katubigan laban sa maruming planta. Kailanman ay hindi magiging tama na nilalason ang karagatan namin para sa kuryenteng hindi naman kami ang makikinabang,” pahayag naman ni Ramon Grimaldo, isang beteranong lider-mangingisda sa Atimonan.

Noong Mayo 2024, tumama ang Bagyong Aghon sa lalawigan na nagdulot ng matinding pagbaha at nagpalikas sa libo-libong pamilya habang milyon-milyon din ang naging pinsala ng Bagyong Kristine noon namang Oktubre.

Ayon sa QUEEN, malaki ang ambag ng coal-fired power sa lumalaking krisis sa klima batay na rin sa mga pananaliksik at nagdadala ngayon ng panibagong banta ang nakaambang plantang itatayo sa Atimonan.

Itinuturing ding isa sa pinakaapektado ng pagbabago ng klima ang sektor ng maliliit na mangingisda, at ang direktang paglalagay ng maruming planta sa kanilang katubigan ay dagdag na banta sa kabuhayan at seguridad sa pagkain.

Pin It on Pinterest