Mahigit 2,300 libreng sine booklets, naipamahagi na ng OSCA Lucena
Patuloy na tinatangkilik ng mga senior citizen ng Lucena ang Libreng Sine Program ng Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA), bilang isa sa mga programang naglalayong magbigay ng karagdagang benepisyo at pagkakataong makapaglibang ang mga nakatatanda sa lungsod.
Batay sa pinakahuling tala ng tanggapan hanggang Hulyo 6, 2026, umabot na sa 2,340 libreng sine booklets ang naipamahagi sa mga kwalipikadong senior citizens.
Sa bilang na ito, 400 senior citizens na ang nakagamit ng kanilang mga booklet at nakapanood ng libreng sine.
Tuloy-tuloy rin ang paghahanda ng OSCA para sa mga susunod na benepisyaryo.
Sa kasalukuyan, 840 bagong movie booklets na ang handa para sa pamamahagi, habang nagpapatuloy ang pagproseso at pag-imprenta ng karagdagang mga booklet.
Ayon sa tanggapan, layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga senior citizen na makapaglibang, makapagpahinga, at makasama ang kanilang pamilya at mga kaibigan sa pamamagitan ng libreng panonood ng sine.
Sa walang-tigil na suporta ng Pamahalaang Lungsod ng Lucena, sa pangunguna ni Mayor Mark Alcala, at sa pangangasiwa ng OSCA Supervising Head Manong Nick Pedro, nagpapatuloy ang mga programang nagbibigay-halaga sa kapakanan at kalidad ng pamumuhay ng mga senior citizen sa lungsod.

