Boom Lucena, Batang Tiaong, Unlad Dolores, wagi sa opening games ng 2nd DIstrict Mayor’s Cup
Umarangkada na ang matinding sagupaan sa hardcourt sa pagitan ng mga koponan mula sa mga lungsod at bayan ng Ikalawang Distrito ng Quezon, Oktubre 23.
Nagbukas ang aksyon ng 2nd District Mayor’s Cup Basketball League 2026 sa Lucena City Convention Center sa paghaharap ng Unlad Dolores at Gilas Sariaya.
Nanaig ang Dolores sa iskor na 72-68 sa isang dikit na laban.
Sa ikalawang laro, pinataob naman ng Batang Tiaong MEAksyon ang Candelaria Coco Knights, 66-61, upang makuha ang panalo sa kanilang unang paghaharap sa torneo.
Pinangunahan ni Mayor Mark Alcala sa pamamagitan ng kanyang three-pointing skills ang Boom Lucena para tambakan ang San Antonio Bobcat 96-80, sa main event ng pagbubukas ng liga.
Nagpasalamat si Mayor Mark sa lahat ng alkalde ng 2nd district sa pakikiisa sa liga.
Binigyang diin niya ang kahalagahan ng paligsahan sa pagpapatibay ng ugnayan ng mga karatig na komunidad sa pamamagitan ng friendly competition.
Buo rin ang suporta ni Vice Mayor Roderick “Dondon” Alcala sa naturang liga.
“Simula pa lamang ito ng isang makabuluhang adhikain na higit pa sa kompetisyon ang makabuo ng isang matatag na samahan sa pamamagitan ng palakasan na nagtataguyod ng pagkakaisa, disiplina, sportsmanship at dangal sa ating distrito,” pahayag ni VM Dondon sa kanyang Facebook page.

