Uncategorized

Coal plant ni Meralco: green light sa kita, red warning sa sangnilikha

//Rev. Fr. Warren R. Puno

“Yamang makatarungan ang Diyos, gagantihan Niya ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo.” – 2 Tesalonica 1:6


Umubra sa lokal at nasyunal na administrasyon ang isang environmental impact assessment (EIA) ng dambuhalang 1,200MW Atimonan coal plant sa Quezon na isinagawa mahigit labing-isang (11) taon na ang nakalipas. Malabo pa sa sabaw ng pusit na boluntaryong i-exit ang proyekto, at malinaw na isinadlak ang aming mga komunidad sa impyerno ng epekto ng kapag nagkataon, ikaanim na yunit na ng planta ng coal sa probinsya.


Nilikha ng Diyos ang tao na kawangis Niya. Pero bakit tumigas na parang bato, naging bulag at patumbingi ang gobyerno sa hinaing ng pinaglilingkuran nito? Napaos na ang taumbayan sa kakakahol na tuluyan nang ibasura ang dambuhalang planta ng coal sa ikatlong munisipalidad sa lalawigang isa sa mga sentrong pang-agrikultural ng bansa.


Hulyo noong nakaraang taon nang kumpasan ng Department of Energy ang ultra-supercritical Atimonan coal-fired power plant ng Meralco at gawaran ng ‘committed capacity’, ilang linggo lamang matapos i-recall ang Certificate of Exemption nito mula sa 2020 coal moratorium ng noo’y sinibak na Energy Secretary Raphael Lotilla. Nakakadismaya, nakakainsulto ang mahigpit pa ring yakap ng gobyerno sa pinakamaruming gatong habang nangangako ng transisyon sa malinis at makataong enerhiya.
Sarili laban sa sarili palagi ang atake.


Balik tayo sa panis na EIA ng proyekto ng Meralco sa Atimonan—kahit grade 6 ay alam na marami ang maaaring pagbabago sa loob ng isang dekadang panahon o higit pa. Ang baseline study na kinomisyon ng Meralco noong 2014 para matiyak ang environmental compliance certificate (ECC) na kinakailangan sa mga environmentally critical project (ECP) gaya ng coal-fired power plants, ay wala nang bitaw sa kasalukuyan. Sa loob ng higit isang dekada, mas bumulusok na ang kalidad ng hangin sa ilang parte ng probinsya, presensya ng extreme weather patterns, at bagsak na kantidad ng huli at kita na dala ng polusyong pandagat at mas lumalalang krisis sa klima.


Hunyo 2026, nagpasa ng isang Coal Regulatory Ordinance ang lalawigan ng Quezon sa direktiba ng punong ehekutibo nito. Long overdue, pero hingang maluwag dahil nabakuran na ang pinagpalang probinsya sa panibagong proyekto ng coal, ngunit hingang malalim din sapagkat nilampasan nito ang proyekto ng Meralco sa ilalim ng ‘committed projects’. Isa sa tampok na probisyon ng ordinansa ay ang pagtitiyak ng ‘best available technology’ (BAT) para sa mga plantang saklaw ng polisiya.


Isa lamang itong pamatid-pangamba—sa palagay ko, buwis na lamang ang makikita at mahahawakan ng mga lokal na pamahalaan sa pamamayagpag ng mapanirang pasilidad at nawawala na ang kontrol sa mga detalyeng panlipunan gaya ng purwisyo nito sa kalusugan, kalayaan sa pagpapahayag at kabuhayan ng pamayanan. Ito ang mga detalyeng ipinagpapalit natin sa altar ng salapi.


Isa lang ang dapat na tanong—husto ba sa pagkakaluto ang ordinansang may sangkap ng tunay nitong layunin, o isa pa rin itong hilaw na pampalamuting polisiya?


Pero aminado ang Meralco PowerGen Corp. (MGEN) na ang ultra-supercritical na teknolohiyang gagamitin ng Atimonan coal plant ay magbabawas lamang ng emisyon, at hindi buong aabandonahin ang tone-toneladang nakalalasong inilalabas ng mga tsimenea nito. Pero sa karambolang kinasasangkutan ng Meralco bilang mukha ng pinakamalaking distribution utility ng kuryente, marapat na pagnilayan muna kung saan huhugutin ang tiwala sa proyektong imamaniobra ng kumpanyang kinamumuhian ng mga konsyumer dahil sa konsumisyon sa gabundok na singil sa kuryente—kamakailang nag-top 1 sa buong Southeast Asia.


Bitbit pa rin ang higit isang dekadang pakikibaka ng mga komunidad, ang mas matingkad at mas naging desperadong boses ng pagpalag sa proyekto ay nag-uugat pa rin sa sanga-sangang panganib na kinasasadlakan ng mga apektadong sektor ng coal at ng kinabukasan ng sangnilikha.


Ang lahat nang ito, nananatiling salamin ng isang sistemang mas mapag-adya sa kita at oligarko kaysa sa mapagpalayang kapakanan ng mamamayan. May repleksyon ng basag na bisyon ng isang ideyal na lipunan.


Gets na natin ang kadalasang punto de vista: palamuti na lamang pala ang kapirasong mga papel na inaasahang magsasanggalang sa kalikasan na ibinabalot sa jargons at nagtatago sa likod ng ‘legal compliance’.


Ngunit ang legalidad ay hindi palaging kakambal ng moralidad. At sa oras ng pananagutan, hindi na batas ang naniningil kung hindi konsensya.

Pin It on Pinterest