Halos 76K walang rehistrong sasakyan, huli sa Calabarzon LTO
BAWAL ANG PASAWAY
Wala raw puwang sa kalsada ang mga pasaway ayon sa Land Transportation Office (LTO) Calabarzon.
Ito ay kaugnay nang pinaigting nilang operasyon laban sa mga hindi rehistradong sasakyan bilang pagtupad sa mandatong tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa lansangan.
Umabot sa 75,897 na hindi rehistradong sasakyan ang nahuli nila mula Enero hanggang Agosto 2025.
“Hindi lamang simpleng paglabag ito. Ang hindi pagpaparehistro ng sasakyan ay banta sa kaligtasan ng lahat ng motorista. Kaya’t mas lalo nating hihigpitan ang operasyon laban sa mga pasaway,” pahayag ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer Decena.
Hindi raw biro ang multa para sa mga mahuhuling nagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan.
Aabot sa ₱12,000 ang kabuuang parusa para sa naturang paglabag.
₱10,000 rito ay para sa mismong pagmamaneho ng hindi nakarehistrong sasakyan at ang karagdagang ₱2,000 ay bilang parusa naman para sa reckless driving, sapagkat itinuturing na isang seryosong panganib sa kalsada ang paggamit ng sasakyang walang wastong rehistro.
Layunin umano ng mabigat na multang ito na magsilbing paalala at babala sa mga motorista na huwag ipagsawalang-bahala ang kanilang obligasyon sa pagrerehistro, hindi lamang upang makaiwas sa parusa kundi higit sa lahat ay upang mapangalagaan ang kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.

