Huskers balik-aksyon sa MPBL Pre Season
Masusubukan ang mas pinalakas na Quezon Huskers sa Pre-Season Invitation ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Bagama’t wala ang back-to-back South division champion sa opening game sa Pebrero 7, inaabangan naman ang pagsabak ng mga bagong manlalaro sa koponan.
Hindi na makapaghintay ang Quezonian fans na makita ang home grown player mula sa Lucena City na si Dom Vera suot ang Huskers jersey. Balik tambalan sila ng kapwa Lucenahin na si Topeng Lagrama bilang mga back court runners.
Kinapapanabikan din ang magiging pwersa ng national finalist sa ilalim ng basket. Tututukan ng mga taga-suporta kung mapupunan ba ni rising bigman Ced Manzano at vet players mula sa high profile teams na sina Will McAloney, Chris Lalata, at Michael Cañete ang posisyong binakante nina Xymone Sandagon, Will Gozum, Vince Magbuhos, JP Sarao, at Joseph Gabayni.
Excited din ang marami sa mga college standouts na sina John Abate at Jolo Manansala na magsisilbi namang pamalit kay Huskers all star LJay Gonzales. Makatutuwang nila sa guard positions sina Cyrus Tabi at Joseph Peñaredondo na dating nagpahirap sa mga pambato ng Quezon.
Hindi naman nawala sa roster sina sharpshooter Judel Fuentes at role player na si Joshua Yerro na hindi pa nabigyan ng kontrata sa mga koponang pumili sa kanila noong nagdaang PBA draft.
Masisilayan pa rin sa orange, white, at black jersey sina Gab Banal, Alvin Abundo, Christian Pagaran, RJ Minerva, Jayson Opiso, at Rodel Gravera.
Ang Pre-Season Invitation ay binunuo ng 18 koponan. Hinati ang torneyo sa dalawang bracket. Bawat grupo ay maglalaro sa single round-robin, kung saan ang bawat team ay makahaharap ang lahat ng iba pang koponan sa kanilang grupo nang isang beses.
Kasama ng Huskers sa Bracket B ang San Juan Knights, Caloocan Batang Kankaloo, Pasay Voyagers, Ilagan Isabela Cowboys, Muntinlupa Cagers, Marinikina Shoemasters, Zamboanga SiKat, at ang slection ng mga batang manlalaro sa MPBL D-League.
Nasa Bracket A naman ang national defending champion na Abra Solid North Weavers, Batangas City Tanduay Rum Masters, Biñan Tatak Gel, GenSan Warriors, Mindoro Tamaraws, 1Bataan Risers, Sarangani 10Act, Quezon City Talipan Galleries, at Bacolod Maskaras.

