Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando, bumisita sa Quezon; hinaing ng mga magsasaka, ipararating sa Kongreso
Bumisita si Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando sa lalawigan ng Quezon partikular sa mga bayan ng San Narciso, San Francisco, Catanauan, Unisan, at Sariaya upang dinggin ang panawagan ng mga magsasaka, mangingisda, at manggagawa.
Tatlong araw na umikot ang mambabatas sa probinsya para sa konsultasyon ng mga nabanggit na sektor sa usapin ng repormang agraryo, pag-aagaw at pagkansela ng mga titulo.
Ayon kay San Fernando, bibitbitin niya ang hinaing ng mga Quezonian sa Kongreso at kokomprontahin ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga pagdinig. Maghahain din umano siya ng kaukulang House Resolution kaugnay ng mga naturang isyu.
Matatandaang nagkaroon na ng serye ng kilos-protesta sa Sariaya dahil sa matagal ng land dispute, banta ng land conversion, at kanselasyon ng Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) ng mga magsasaka.
Pebrero ngayong taon nang kumpirmahin ng DAR na magpapadala sila ng Inter-Agency Task Force upang magbigay ng legal aid, relokasyon, at livelihood support sa mga apektadong pamilya.
Bagama’y may paggalaw umano ang Task Force, patuloy ang panawagan ng mga residente na mapabilis ang aktuwal na distribusyon ng tulong at tiyaking hindi sila mapapalayas habang hindi pa naisasaayos ang rekolasyon.

