‘Buy Local’ ordinance ng Padre Burgos, pasado sa SP Quezon
Pasado na sa Sangguniang Panlalawigan ng Quezon ang ‘Buy Local’ ordinance ng Padre Burgos na naglalayong mas bigyan ng prayoridad ang pagtangkilik ng mga produkto ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na gawa sa bayan.
Ang ordinansang ito ay ipinasok sa sanggunian sa ilalim ng Committee on Investment, Trade and Industry na pinamumunuan ni 2nd District Board Member Vinnette Alcala-Naca.
Ayon sa bokal, ang ordinansa ay bilang pagtalima sa Republic Act 8289 o “Magna carta for micro, small and medium enterprises”.
Nakapaloob aniya dito na ang mga rehistradong maliliit na negosyo ay may karapatan sa hindi bababa sa sampung porsyento (10%) ng kabuuang procurement value ng mga kalakal at serbisyo na isinusuplay sa pamahalaan, mga bureau, mga tanggapan at ahensya taun-taon.
Kabilang sa mga tinatawag na MSME ang mga kooperatiba, rural improvement club, asosasyon, at negosyo, na may capitalization na hindi hihigit sa PHP100 milyon, na mayroong umiiral na food o non-food product, o nagsimula na ng operasyon ngunit nasa proseso pa ng pagbuo ng kanilang byproduct.