Iba’t ibang anyo ng sining, inilapit ng UP Kalilayan, PINTAKASI sa ilang mag-aaral ng Quezon
Sa layuning mas maipakilala ang sining sa mga estudyanteng Quezonian, pinangasiwaan ng UP Kalilayan at PINTAKASI ang SILAY, isang workshop at career orientation sa visual at performing arts na idinaos sa Gumaca National High School, June 13.
Ang UP Kalilayan ay binubuo ng mga mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas mula sa lalawigan ng Quezon at Aurora habang ang PINTAKASI naman ay isang youth-led non-profit at multi-arts organization na nakabase sa isla ng Alabat.
Ayon kay Axl de Mesa, project head ng naturang programa, nais nilang maipabatid sa mga mag-aaral na maaaring makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) bitbit ang talento at pagiging malikhain.
“Laging nakukulong na hindi na ako tutuloy ng college kasi wala namang pera at saka wala ring school para sa akin which is mali dahil sa Diliman, maraming ino-offer gaya ng studio arts, viscomm, industrial design, malikhaing pagsulat, music so dinala naming ito sa Gumaca National High School,” paliwanag ni de Mesa.
“Gusto rin naming ma-inform ang mga senior high students na may chance na makapasok sa UP dahil sa talent kahit hindi nakapasa sa UPCAT,” dagdag pa niya.
“Usually ang nagcacareer orientation ‘yong mga tipikal na courses like engineering, nursing, teaching. Walang masyadong gumagawa ng tungkol sa arts,” pagbibigay-pansin naman ni Adrian Dale Magsino, managing director at graphic designer ng PINTAKASI.
Tinalakay sa ilang mag-aaral ng Gumaca, Guinayangan, Lopez, Plaridel, at Padre Burgos ang iba’t ibang anyo ng sining tulad ng Visual Communication, Theatre Arts, Malikhaing Pagsulat, at iba pa.
Isa sa naging workshop ang paggawa ng zine o isang uri ng do-it-yourself na publikasyon, pag-imprenta, paglimbag gamit ang papel, gunting, panulat, at imahinasyon na nagiging daan upang mailahad ang saloobin mapa-personal mang karanasan, isyung panlipunan, at iba pang paksa.
Sinabi ni Claudine Barretto, incoming grade 12 student mula sa Lopez Comprehensive National High School malaking tulong ang Silay sa mga tulad niyang nais tahakin ang mundo ng sining sa hinaharap.
“Sila ‘yong nag-open ng door para sa amin para malaman kung paano makapasok sa UP. Natutunan ko na ‘wag matakot na i-pursue ang dream dahil may mga ekswelahan tulad ng UP na open sa ganitong passion.”