LocalNews

Imbestigasyon sa pagbili ng Tayabas LGU ng P150M heavy equipment, gumulong na

Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon kaugnay ng iregularidad umano sa pagbili ng P150 milyong heavy equipment ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng Tayabas.

Inihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Rep. Erwin Tulfo ang House Resolution 1675 na pinag-ugatan ng naturang imbestigasyon.

Ayon kay Tulfo na ipinarating sa kanya ng mga residente at opisyal ng Tayabas ang reklamo kaya naghain ito ng resolusyon.

Isinaad ni Mayor Lovely Reynoso-Pontioso na ang naturang proyekto ay masusing pinag-aralan, dumaan, at tumalima sa mga prosesong hinihingi ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.

Naging bukas din umano sa publiko sa pamamagitan ng mga isinagawang pagdinig ng Sangguniang Panlungsod at napapanahong pag-uulat ng Commission on Audit.

Aniya, kung ang nasa likod umano ng imbestigasyong ito ay mga kalaban niya sa pulitika, ginagawa lamang daw umano ito upang bahiran ang tapat at malinis niyang hangarin sa paglilingkod.

“Higit pong nakakapagtaka kung ang nasa likod nito ay mga dating kong kasamahan na kaagapay ko noon sa pagpasa ng mga kaugnay na RESOLUSYON at ORDINANSA; pero ngayong naman ay siyang nangunguna sa pagbatikos at pagbibigay ng mga maling impormasyon tungkol sa makabuluhang proyektong ito,” saad niya sa kanyang Facebook.

Inihayag naman ni Abang Lingkod Party List Rep. Joseph Stephen Paduano, chairperson ng Committee on Public Accounts na walang bahid ng pulitika ang imbestigasyon.

“Hindi ko kayo kilala wala akong kakilala sa inyo. Ang iniimbestigahan natin dito ay ang interes ng mga taga-Tayabas,” sabi ni Paduano.

Samantala, magtatakda ng isa pang pagdinig upang mas mapalalim pa ang imbestigasyon.

Pin It on Pinterest