Libreng check-up at konsultasyon, ibinaba ng Lucena LGU sa Brgy. Dalahican
Inilunsad kamakailan ng Pamahalaang Panlungsod ng Lucena sa pangunguna ni Mayor Mark Alcala na gawing Satellite Center ang Barangay Health Center 1 sa Purok 2 ng Barangay Dalahican.
Ito’y upang magsilbing City Health Office upang ilapit ang tulong medikal sa nasabing barangay at nagke-cater din ito ng mga karatig na barangay.
“Pwede na taga-Dalahican at kalapit na barangay halimbawa ay Mayao Crossing, Barra, Talao-Talao o kung anumang barangay ang lumapit dito sa atin para magpagamot”.
Ayon kay Kgwd. Reymundo Obciana, ang Chairman ng Committee on Health, may naka-duty daw na Barangay Health Alliance o BHA at Nurse araw-araw sa kanilang mga Barangay Health Center para sa mga nais magpakonsulta.
Aniya, tuwing Martes ang naturang satellite center ay naghahandog ng libreng bakuna kontra COVID-19 o booster shot para sa mga nais magpaturok nito.
“Tayo po ay lahat ng Center 1, Center 2 at Center 3 lahat po ‘yan ay may Barangay Health Alliance and Nurse,” sabi ni Obciana.
Tuwing Biyernes naman ay may naka-duty na doktor na siyang magbibigay ng tamang diagnosis at reseta ng wastong gamot kung kinakailangan.
Sinabi ni Obciana, mismong residente lang ng Barangay Dalahican ang maaaring makakuha ng libreng gamot matapos na sila ay makapagpacheck-up.
Labis namang nagpapasalamat ang Sangguniang Barangay ng Dalahican sa pamumuno ni Kapitan Roderick Macinas kay Mayor Mark Alcala at Vice Mayor Roderick Alcala sa ibinabang serbisyo-publiko sa pamamagitan ng tulong medikal sa Barangay Dalahican, gayundin sa mga karatig na barangay.

