Laro’t Saya Arnis Cup, muling aarangkada sa Tayabas City
Matapos ang matagumpay na Laro’t Saya Arnis Cup noong Mayo 2024, muling aarangkada sa Lungsod ng Tayabas ang inaabangang kompetisyon.
Kung noong nagdaang taon ay umabot sa 300 indibidwal na nahati sa 20 koponan ang mga lumahok mula sa siyudad at ilang karatig bayan, mas inaasahang dadami pa ang magtatagisan ngayon sa padded at livestick event.
Ang pagbabalik ng kompetisyon ay bilang bahagi ng mas malakas na hakbangin ng pamahalaang lokal sa pamamagitan ng Physical Fitness and Sports Development Section katuwang ang Eskrimador de Tayabas upang buhayin at higit pang palaganapin ang larong arnis.
Inaanyayahan nila ang lahat ng arnisador na lumahok sa torneyo sa darating na Hulyo 2025.
Samantala, bukod dito, patuloy rin sila sa pangangasiwa ng iba pang programang pampalakasan para sa mga Tayabasin.
Nitong Hunyo 10, nagtapos ang mga atleta sa 20-day free summer sports clinic sa larangan ng arnis, athletics, badminton, basketball, boxing, chess, futsal, gymnastics, karatedo, pickleball, table tennis, taekwondo, at volleyball.