PCSO, namahagi ng ayuda sa Alabat, Quezon
Namahagi ng tulong ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa mga senior citizens at indigent sa Alabat, Quezon.
Personal na nagtungo sa isla si PCSO Director Janet De Leon – Mercado at ipinamahagi ang nasa 500 food packs.
Ayon kay Mercado, kaugnay ito sa mandato ng kanilang tanggapan na tulungan ang mga mahihirap at nangangailangan; at alinsunod na din sa kautusan ng nasyunal na pamahalaan na abutin ang bawat sulok ng bansa para hatiran ng tulong ang mga mamamayang Pilipino.
Bukod sa dalang 500 food packs, namahagi din ang ahensiya ng mga libreng gamot para sa mga residente ng Isla ng Alabat.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa tanggapan ang pamahalaang bayan sa pangunguna ni Mayor Jose Ramil Arquiza at MSWDO sa natanggap na tulong para sa kanilang mga residente.