NewsSports

Project MVP ni Gab Banal, JCI Manila, naghatid ng inspirasyon sa mga kabataang PWD

Enero 31 – Ang Activate Sports and Commercial Complex sa Lucena City ay hindi lang naging espasyo ng ensayo kundi isang ligtas na tahanan kung saan ang bawat manlalaro ay MVP.


Ito ang naging “play” ni Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Datu Cup Most Valuable Player, Quezon Huskers Team Captain Gab Banal at ng JCI Manila, isang samahan ng mga kabataang propesyonal na tumutulong sa paglinang ng liderato at pagseserbisyo sa komunidad sa isinagawang PROJECT MVP – Most Valuable Possibilities: Basketball Clinic for Children with Disabilities.


Ang line-up na sumalang sa hardcourt ay mula sa iba’t ibang barangay sa lungsod batay sa talaan ng Local Government Unit-Persons with Disability Affairs Office (PDAO) at mga manlalarong inimbita ng JCI.


Yong purpose nito ay para makasali sila at mabigyan ng importansya ang kanilang kalusugan at kalasakan. Para makasali sila. Para ma-feel nila na part sila ng community lalo na dito sa Lucena,” pahayag ni Banal na bagama’t hindi tubong Quezon ay niyakap naman ang pagiging Quezonian.


Naglalaro ako para sa Quezon Huskers sa Lucena at ramdam ko ang pagmamahal ng tao. Kailangan kong maibalik ang kaligayahan ng tao. To give back their support na binibigay nila sa akin,” dagdag pa ni Banal sa pagpili sa mga Lucenahin bilang benepisyaryo ng programa.


Malinaw ang adhikain ng programa – ang basketball ay para sa lahat. Hindi lang ito umikot sa bawat drill, mapa-dribble man o wastong paglay-up, footwork o tamang pasa kundi sa pagtitiwala sa sarili. Mas nabigyang diin na ang kakayahan ay hindi nasusukat sa pisikal na limitasyon kundi sa tapang at determinasyon.


Na naging punto rin ng nagsilbing resource speaker na si Kathryn “Kat” Tan ang tinaguriang “One-Armed Mamba” – isang Pilipinang basketbolista, motivator, at advocate para sa inclusivity sa sports lalo na para sa mga babae at may kapansanan.


Ibinahagi ni Kat ang patuloy na pagsisikap at dedikasyon sa kung ano ang mahalaga sa araw-araw. At kung paano niya hinarap, napagtagumpayan ang bawat hamon.


Braso lang ang nawala sa akin at hindi ang buo kong pagkatao. Kailangan mo lang magtiwala sa sarili mo para maniwala rin sa’yo ang iba,” sambit niya sa harap ng mga batang manlalaro.


Ikinuwento niya ang pagkikita nila ng iniidolo niyang basketball superstar – ang namayapang si Kobe Bryant. Sa isang three-point shot na ikinamangha ng isang alamat ay nagbago ang kanyang buhay.


Higit pa sa basketball clinic, ang Project MVP. Paalala ito na ang inklusibidad ay hindi lamang konsepto, kundi isang kilos. Sa pangangasiwa ni Gab Banal at sa puso ng JCI Manila para sa serbisyo, ang larong basketball ay naging wika ng pag-unawa at pagtanggap.


Sa pagtatapos ng araw, umuwi man ang mga bata na pawisan at pagod, dala nila ang mas mahalagang tropeo—ang paniniwalang sila ay mahalaga, kaya, at may lugar sa gitna ng lipunan.


Sa Project MVP, walang benchwarmer. Lahat ay MVP.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest