Gilas Pilipinas player Ced Manzano, MPBL vet Will McAloney, dagdag pwersa sa Quezon Huskers
Seryoso ang Quezon Huskers na masungkit ang inaasam na kampeonato sa susunod na season ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).
Tinabla ng Huskers ang usap-usapan na hihina ang koponan matapos ma-draft ang mga key players sa Philippine Basketball Association (PBA) matapos idagdag sa line-up ang dalawang pampalagbagang frontcourt players sa katauhan nina Gilas Player Cedrick Manzano at MPBL veteran Will Mcaloney.
Sariwang sariwa pa mula sa pagkakasungkit ng gintong medalya sa Southeast Asian Games o SEA Games bilang back-up bigman ng Gilas Pilipinas si Manzano. Ang rising star cager ay nakilala sa Adamson Soaring Falcons sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Isa siya sa mga naging susi sa tatlong sunod na final four playoffs ng koponan sa ilalim ni Nash Racela na siya namang assistant head coach ng Huskers.
Double-digit point at board machine si Manzano lalo na sa mga crucial games. Isa sa kanyang notable game sa UAAP ay ang 11 points-10 rebounds sa 56-53 win kontra sa University of the East (UE) Red Warriors.
Inaasahan na mapupunan niya ang espasyong iniwan ni Will Gozum, Xymon Sandagon, at VInce Magbuhos na maglalaro na sa PBA.
Makakatuwang pa niya ang beteranong si Will McAloney na naglaro na sa PBA bago imapa ang kanyang pangalan sa MPBL. Hindi na bago si Mcaloney para sa mga taga-suporta ng Huskers dahil ilang beses niyang pinahahirapan ang back-to-back South Division Champs sa shaded area.
Bilang 2024 MPBL all star MVP, 3× All-MPBL First Team, MPBL Champion, at 3× MPBL All star, garantisado ang magiging kontribusyon niya sa Huskers hindi lamang sa ilalim ng basket kung hindi maging sa mentalidad at leadership ng mga players.
Samantala, sa simula naman ng karera ni Ljay Gonzales bilang NLEX Road Warriors guard, hahalili sa kanyang posisyon ang scoring machine ng UAAP na si John Abate.
Ang 26-taong gulang na dating team captain ng Red Warriors ay may average na 16.2 points per game sa naitalang mga laro.
Sa pagpapatuloy ng-off season ng liga, patuloy pa rin ang balasahan ng mga manlalaro lalo na at may koponan na nagpahayag nang hindi muna paglahok sa paparating na season.
Magkakaroon naman ng MPBL Pre-Season Invitational sa darating na Pebrero 7. Wala pang detalyadong patarakan o mga koponang lalahok habang isinusulat ang artikulong ito.

