Sama-samang pagkilos, panawagan, sa paggunita sa isang dekadang pakikibaka sa pagtatayo ng coal plant sa Atimonan
Tuloy ang laban!
Hunyo 6, 2015 nang magmartsa sa kalsada ang higit isang libong Quezonian bitbit ang mga placards na sumisigaw na itigil ang pagtatayo ng coal-fired power plant sa Atimonan.
Sa paglipas ng isang dekada, patuloy na tumitindig ang Simbahan, grupong maka-kalikasan, organisasyon mula sa iba’t ibang sektor para tuluyan nang wakasan ang mga plantang nakapamiminsala sa kalikasan.
Sama-samang kumilos ang mga mananampalataya, mangingisda, kabataan, at residente ng mga bayan ng Pagbilao, Mauban, at Atimonan sa idinaos na Lakad-Dasal para sa patuloy na panawagang itigil na ang paggamit ng fossil fuel at isulong ang renewable energy.
Lumabas sa isinagawang pag-aaral ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) noong 2023 na bumagsak sa itinakdang pamantayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kalidad ng hangin sa Atimonan at Pagbilao. Mas pinaalab pa nito ang dahilan ng mga mamamayan para lakasan ang panawagan at magising nawa ang mga nanunungkulan na bigyang pagpapahalaga ang usapin sa pagbabago ng klima.
Laban ng kalikasan, laban ng Simbahan para sa nasa laylayan
“Ang Simbahan ay Simbahan ng mga dukha at para sa mga dukha. Nakita natin na ang pinakabulnerable sa nagbabagong klima, epekto ng malalakas na bagyo ay walang iba kundi ang mahihirap. Kaya hindi puwedeng talikuran ng Simbahan ang laban sa kalikasan sapagkat para na rin niyang tinalikuran ang kanyang malasakit sa mga dukha, sa mga nasa laylayan ng lipunan,” mariing pahayag ni Rev. Fr. Warren Puno, convenor ng Quezon for Environment (QUEEN), isang koalisyon ng Simabahan at mga environmental advocates sa lalawigan.
Inilahad ni Fr. Warren na sa kabila nang pagbungkal sa kabundukan, hindi pa rin naitatayo ang proyektong Atimonan One Energy, ni isang poste umano ay wala pang naitatayo. Isang patunay na nanatiling buhay at matatag ang pagtutol ng mga tao, ng simbahan, ng sambayan para sa kalikasan at kinabukasan.
“Isang dekada na. Pero isang hudyat pa rin na patuloy ang pagtutol dahil nandoon pa rin ang banta ng pagtatayo ng powerplant sa Atimonan. Sana hindi lang mamamayan ng Atimonan (ang tumutol) kundi samahan sana ng iba’t ibang bayan dito sa Quezon at buong Pilipinas. Sana tularan nila ang mga bayan ng Tagkawayan at Perez na nagpasa ng ordinansa na ‘fossil-free-municipality.’
Malinis na katubigan para sa mga mangingisda
Kasabay ng Lakad-Dasal, nagkaroon din ng parada ng mga bangka ang mga mangingisda bilang pakikiisa sa adbokasiya.
Hiling ni Ka Ramon Grimaldo, fisher-folk leader mula sa Atimonan at pangulo ng Sagip Karagatan na ibigay na sana sa kanila ang karapatan sa malinis na katubigan, malaya, at malawakang pangisdaan.
Aniya, bukod sa patong-patong na problema na kinahaharap ng mga mangingisda tulad ng 15km ruling ng Korte Suprema, ramdam na ramdam na umano nila ang epekto ng climate change na pumapatay sa sa mga coral reef na nagsisilbing tirahan para sa mga marine wildlife.
“Sa ngayon kahit walang bagyo dahil sa climate change, kalmang-kalma ang dagat ‘pagdating mo sa laot at nangingisda ka na biglang may kung tawagin ay subasko. Ang climate change may mga contributor din tulad ng pagtatayo ng mga planta. Inilalagay nila ito sa tabing dagat. Masyado nang pasakit sa mga mangingisda,” pahayag ni Ka Ramon.
“Noong una, makakapagpaaral ka ng anak dahil sa pangingisda pero ngayon hindi na. Kaya nananatiling mahirap ang mga mangingisda ngayon. Dapat sa pamahalaan, seryosohin ang usapin ng climate change dapat bigyan ng pansin para sa mga mangingisda,” dagdag pa niya.

