NewsSports

Undermanned Huskers, pinatahimik ang home crowd na mga Batang Kankaloo

Nagawa pa ring patahimikin ng Quezon Huskers ang home crowd na Caloocan Batang Kankaloo kahit wala ang kanilang dalawang MVP na sina Will Gozum at Gab Banal, 66-56 sa main event ng Maharlika Pilipinas Basketball League, Hunyo 13.

Bumida ang isa pa nilang MVP na si Judel Fuentes na umiskor ng 15 puntos kabilang ang signature dagger three sa 4th quarter para tuluyang umalagwa ang Huskers at hindi na makahabol pa ang rival na Batang Kankaloo.

Tulad nang inaasahan, dikit ang laban sa simula ng laro. Ramdam ang kakulangan nina Gozum at Banal sa first quarter dahil sa dominasyon ni Batang Kankaloo Center Reil Cervantes sa ilalim ng basket. Natapos ang unang yugto ng laban sa iskor na 11-10.

Pisikal at dikdikan na ang laro sa second quarter. Patuloy ang pag-iksor ni Cervantes sa paint-area ngunit hindi rin nagpapadaig ang mga big man ng Huskers na sina Xymone Sandagon at Jason Opiso. Abante pa rin sana ang Caloocan sa pagtatapos ng ikalawang yugto ng laban 27-29 bago pakawalan ni Fuentes ang 3-point shot sa last play, 30-29 pabor sa Huskers.

Sa third quarter, nabalasa ni Coach Eric Gonzales nang maayos ang limang player ng Huskers na nasa loob ng Court. Humigpit ang kanilang depensa at napigilan na ang mga inside shots ng Batang Kankaloo. 50-41.

Sinubukan pang humabol ng Caloocan sa simula ng 4th quarter matapos ang 11-2 run sa pangunguna nina Paul Casin at Rommel Cabuhat at nagtabla pa sa iskor na 52 sa huling 5:55 ng laro. Sumagot naman agad ng isang jump shot si Mon Abundo para sa Huskers na sinundan ng fadeway shot ni Fuentes para bumalik sa apat ang kalamangan 56-52.

Bumitaw pa si Fuentes ng three point shot sa 3-minute mark, 62-54 para tuluyan nang maselyuhan ang panalo ng Huskers.

11-0 na ang record ng Quezon at numero uno pa rin sa South Division habang pang-anim sa kabilang dibisyon ang Caloocan na naitala ang kanilang ikaapat na talo, 6-4.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest