FB page na nagkakalat ng faw news, i-ireport – Quezon Gov. Tan
Nananawagan si Quezon Gov. Dra. Helen Tan sa mga netizen na i-report ang mga Facebook post na walang tigil na nagpapakalat ng kasinungalingan.
Bagama’t walang kalaban sa papalapit na eleksyon, hindi umano tumitigil sa paninira sa kanya at kanyang pamilya ang iba’t ibang troll pages tulad ng Gising Quezon.
“Ang FAKE NEWS PAGE na ito ay walang tigil sa pagpapakalat ng kasinungalingan gamit ang mga troll account at walang anumang basehan o ebidensya,” saad ng gobernadora.
Sa isa sa mga post ng naturang page, ginamit nito ang isang tweet ng premyadong manunulat na si Jerry Gracio tungkol sa hindi maayos na disaster response at nilagyan ng larawan ng pagbaha sa Lopez.
May caption ito na
“Singilin na ang mga politikong bilyon-bilyon ang ginastos para sa mga proyektong hindi naman pinapakinabangan. Tama po ba Doktora Helen Tan at Cong. Atorni Mike Tan.”
Iginiit ng ina ng lalawigan na ang nasabing proyekto ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at hindi ng Provincial Government of Quezon.
Umabot na rin sa manunulat ang post at mariin nitong pinabulaanan na tungkol sa gobernador ng Quezon.
“ I posted this status October 24 last year, then, used by Gising Quezon page without my knowledge. Hindi ito tungkol sa gobernador ng Quezon, dahil marami akong kaibigan sa Quezon, pero hindi ako taga-Quezon, ni hindi ako nagka-jowa ng taga-Quezon kaya bakit ako makikisawsaw sa politika ng Quezon? Para ito sa lahat ng politiko na hindi maayos ang disaster response”, paglilinaw ni Gracio.

