Huskers, pinataob ang Kuyas; Gozum, balik-aksyon
Hindi pinaporma ng Quezon Huskers ang Bulacan Kuyas sa June 18 opener ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) sa Bren Z Guiao Convention Center, Pampanga.
One sided game ang laban simula first hanggang fourth quarter.
Maagang nag-init ang south division 2nd seed team nang pasimulan ang 7-0 run sa pamamagitan ng floating lay-up ni Huskers bigman Ximone Sandagon na sinundan ng three pointers ni sharpshooter Judel Ric Fuentes at isa pang basket ni 2024 2nd mythical team John Paul Sarao.
Nagkaroon pa ng 14-0 run bago matapos ang unang yugto ng laro, 29-5.
Patuloy na hindi pinadikit ng Quezon ang Bulacan hanggang matapos ang 2nd, 3rd, at 4th quarter na may iskor na 45-20, 65-36, 91-61 ayon sa pagkakasunod.
Tinanghal na best player of the game si Sarao na nagrehistro ng 15 puntos at anim na rebounds.
Samantala, balik-aksyon din sa naturang laro si National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 Most Valuable Player (MVP) Will Gozum.
Nagtala siya ng apat na puntos at dalawang rebounds sa 12:50 minutong paglalaro. Ito ang una niyang pagsampa muli sa hardcourt matapos ang higit isang taon dahil sa natamong injury. 12-3 na ang kartada ng Huskers. Sunod nilang makatutunggali ang Paraňaque Patriots sa June 25, 6:00 ng hapon sa Alonte Sports Arena sa Laguna.