Iba’t ibang lugar sa Lopez Quezon, binaha bunsod ng Bagyong Amang
Nasa 96 na pamilya ang inilikas kagabi, April 12, 2023 sa bayan ng Lopez Quezon bunsod ng pagbaha dulot ng ulan na dala ni Tropical Depression Amang.
Ilang lugar sa bayan ang nakaranas ng hanggang dibdib na baha.
Sa mga kuhang larawan ng 85th Infantry Battalion ng Philippine Army, sa laki na ng tubig, gumamit na sila ng lubid at salbabida sa paglikas ng mga residente. Gamit ang planggana, dito isinakay ang isang bata upang dalhin sa ligtas na lugar, katulong sa pagresponde ang lokal na pamahalaan.
Sa mga cellphone video na kuha ng ilang residente, makikita ang hanggang tuhod na baha sa ilang lugar sa bayan ng Lopez. Ang ilang kalsada halos nagmistulang ilog dahil sa lakas ng agos bunga ng halos walang humpay na pag-ulan na makikinig sa cellphone video na kuha ni Jay Villate, bunga ito ng pag-apaw ng ilog.
Sa cellphone video na kuha naman ni Ben Cantollas Tan, mag-aalas 6:00 ng hapon, baha na rin sa población area ng bayan. Ang kalasada nagmistulang sapa bunga raw ito ng pag-apaw ng Talolong River dahil sa halos walang humpay na pag-ulan.
Ilan pang lugar sa bayan ng Lopez ang nakaranas ng pagbaha.
Batay sa tala ng Quezon PDRRMO, mahigit 400 indibidwal ang kinailangang ilikas dito dahil sa baha.
Higit 100 inbidwal o 25 pamilya ang dinala sa evacuation center. Ang mahigit 350 naman o nasa 71 pamilya ay nanatili sa mga kapag-anak o iba pang ligtas na lugar.
Mula ito sa mga barangay ng Danlagan, Magsaysay, Talolong at Cogorin Ibaba.