News

Pagdaraos ng Mayohan Festival 2023 sa Tayabas City, ikinasa na

Nakahanda na ang Pamahalaang Panlungsod ng Tayabas para sa pagkakaroon muli ng Mayohan Festival.

Ang aktibidad na ito ay kaugnay ng kapistahan ng Lungsod ng Tayabas na ipinagdiriwang tuwing Mayo 15.

Ayon kay Roselle Villaverde, ang senior tourism operations officer ng Tayabas, maagap daw na pinaghandaan ng lokal na pamahalaan ang mga aktibidad para sa Mayohan 2023.

“Ngayon po busy na ang executive committee sa paghahanda actually sinimulan na siya March pa lang sa papel, sa lahat ng iba pang kinakailangan dahil malapit na nga po ang Mayohan Festival, marami na ring meeting ang naisagawa.”

Inilatag na ng pamahalaang panlungsod sa pamumuno ni Mayora Lovely-Reynoso Pontioso ang mga aktibidad tungkol dito, tulad na lamang ng iba’t-ibang patimpalak. Nariyan ang Parada ng Baliskog, Parada ng tagay, Pinaka Contest, Esports Competition, Mayor’s Night, Foam Party and Zumba Dance Challenge at marami pang iba.

May mga palaro rin tulad ng combat, bingo bonanza, palo sebo, habulan ng biik at karera ng kalabaw.

Pinaka-aabangan rin ang malalaking patimpalak tulad ng palakihan ng suman, ginoo at binibining mayohan 2023, PESO Job Fair at iba pa.

Itatampok rin dito ang mga produktong ipinagmamalaki ng mga Tayabasin at ang makasaysayang lugar sa lungsod.

“Lambanog, budin, yema at yun pong ating mga makasaysayang lugar dito.”
Itinakda naman sa Biyernes, May 5 ang pormal na pagbubukas ng seremonya kaugnay sa Mayohan Festival 2023 at magtatagal ito hanggang Mayo 16.

Hinikayat naman ng lokal na pamahalaan ang mga mamamayan mula sa karatig na bayan at lungsod na makiisa sa iba’t ibang aktibidad ng Mayohan 2023.

Pin It on Pinterest