Pahiyas Festival Stage, niyanig ng hiyawan ng mga ‘Octobears’
Mistulang naging isang malaking choir ang Pahiyas Festival Stage sa Lucban, Quezon nang sabay-sabay awitin ng concert goers ang “Ikaw lang at ikaw ang sinisigaw. Ng puso kong ‘di mapakali. Ikaw lang at ikaw ang sinisigaw Pag-ibig ko’y sana mapansin” ng Over October.
Dinagsa ng mga tagahanga ang Rizal Park para sa maranasan ang kakaibang musical experience na handog ng Coke Studio.
Pag-akyat pa lamang nina Josh Buizon (vocals), Josh Lua (guitars) at ilan pang miyembro ng indie/alternative rock at pop rock band, ramdam na ang matinding enerhiya mula sa fans na tinatawag na Octobears.
Sunod-sunod na nagpaindak at nagpakilig ang banda sa kanilang mga pinasikat na awitin na Ikot, Dahan, 123, at Kaakit-akit.
Karamihan sa mga dumalo ay mga kabataang music lover na hindi inalintana ang pagod at biyahe mapanood lamang ang performance ng OPM band. May ilan pa ngang dumayo mula sa Rizal.
Bago mapakanta ang mga fan, naki-jam muna ang lokal na banda na Hello Belinda at Olay Yapanit na naghatid din ng kakaibang karanasan sa mga nakisaya sa event.
Sa kani-kanilang natatanging genre at mga original song, nagawa nilang painitin lalo ang entablado at patunayang buhay na buhay ang lokal na musika sa Quezon.
Sa mga hindi nakadalo, maaaring i-stream ang kanilang mga sariling awitin sa Spotify at iba pang music streaming platforms.

