News

Lalawigan ng Quezon idineklara nang malaya sa rebelyon

Kasabay ng paggunita ng ika-125 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa, ngayong araw din na ito, June 12, 2023 malaya na ang Lalawigan ng Quezon sa rebelyon.

Matapos ang nasa limang dekada, natuldukan na ang batik sa probinsya na pinamumugaran ito ng mga rebeldeng grupo.

Idineklara na ang Quezon Province bilang Stable Peace and Security o SIPS. Ibig sabihin nito wala na sightings at wala ng nangyayaring paghahasik ng kaguluhan sa lalawigan buhat sa makakaliwang grupo o insurgency-free na ang Province of Quezon na kaunahang naideklara sa buong rehiyon ng CALABARZON.

Ayon sa mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa CALABARZON Region na dumalo sa seremonya, ang SIPS ang pinakamataas na internal process in terms of peace and security.

Ayon kay Quezon Governor Angelina Tan, ang pagkakadeklara sa lalawigan bilang insurgency-free ay sa pamamagitan ng tulong-tulong na pagsisikap ng AFP, PNP, mga opisyal ng pamahalaang lokal maging ng nasa barangay. Ang araw na ito ay isa umanong milestone sa lalawigan ng Quezon, senyales daw ito ng pagkakaisa para sa mapayapa, malusog at maunlad na lalawigan ng Quezon.

Kapit-bisig ang matataas na opisyal ng Southern Luzon Command at PRO-4A kasama ng mga opisyales ng Quezon Provincial Government at pinuno ng mga bayan at lungsod ng lalawigan na sama-samang panananatilihin ang pagiging insurgency-free.

Pinagtibay ito ng paglada nila sa Memorandum of Agreement at kabalikat sila sa ano mang laban ng pamahalaaan sa pagsusulong ng peace and security.

Bilang tanda ng paglaya ng probinsya sa rebelyon, ngayon mismong araw, ika-125 Araw ng Kalayaan ng bansa, 125 puting kalapati ang pinalipad at pinalaya hudyat ng pagtatapos sa lalawigan ng Quezon ng mga maling ideolohiya laban sa pamahalaan.

Samantala, mahigit sampung miyembro ng rebeldeng grupo ang nagbalik-loob sa pamahalaan kasabay ng naturang deklarasyon ang pinagkalooban ng lokal na pamahalaan ng Quezon ng tulong-pinansyal sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Pin It on Pinterest