Quezon, idineklarang avian influeza free
Idineklara ng Department of Agriculture na avian influenza free na ang lalawigan ng Quezon.
Sa isang Memorandum Circular na may petsang Agosto 23, sinabi ng DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban na malaya na ang Quezon mula sa highly pathogenic avian influenza (HPAI) subtype H5N1.
Naitala ng ahensiya ang dalawang kaso ng virus sa Barangay Pahinga Sur, Candelaria noong Abril na nakaapekto sa mga itik at pugo.
Sinabi ni Panganiban na nagsagawa ito ng patuloy na pagsubaybay sa sakit sa 1-kilometro at 7-kilometrong surveillance zone na nakapalibot sa mga apektadong farm, at nagbunga ito ng mga negatibong resulta para sa influenza type A virus.
Sinabi rin nito na mahigit 90 araw na ang lumipas mula nang matapos ang paglilinis at pagdidisimpekta ng mga operasyon.
Samantala, kasabay na idineklara ng DA na avian influeza free province ang Aurora ngayong Agosto.
Sinabi ng Bureau of Animal Industry (BAI) na bahagi lamang ng Central Luzon at Cordillera Administrative Region ang nananatiling apektado ng bird flu.
Kabilang dito ang lalawigan ng Pampanga at Kalinga.