News

SP Quezon, pinasususpende ang ordinansa ng Lucena

Isang resolusyon ang inilabas ng mga bokal sa Quezon na humihiling sa Sangguniang Panlungsod ng Lucena na suspendihin ang implementasyon at muling maikonsidera ang kanilang naipasang ordinansa.

Ang ordinansa na tinutukoy sa nasabing resolusyon ay Lucena City Ordinance No. 2815 na nagtatakda ng proper coordination sa pamahalaang panlungsod bago ang implementasyon ng mga national, provincial at lahat ng government public works at infrastracture project sa siyudad.

Hiniling ng mga bokal na mai-revisit ang ordinansa dahil sa ilang probisyon nito.

Batay sa resolusyon, hindi daw kasama ang provincial government sa inaatasan ng local government code na magsagawa ng periodic consultation sa ibang LGU bago ang implementasyon ng proyekto kundi tanging mga national agencies lamang at Pangulo ang dapat magsagawa ng pangkalahatang pangangasiwa sa mga local government units.

Samantala sa pribilehiyong talumpati ni Konsehal Manong Nick Pedro, sinabi nito na walang intensyon ang Sangguniang Panlungsod na magtakda o mag-exercise ng superbisyon sa kahit aling LGUs at opisyal na hindi sakop ng hurisdiksyon ng Lungsod ng Lucena gayundin ang provincial government sa Lucena dahil sa pagiging highly urbanized city nito.

“Ayon na rin sa itinatadhana ng LGC Sec. 29 – Provincial Relations with Component Cities and Municipalities ‘The province, through the governor, shall ensure that every component city and municipality within its territorial jurisdiction acts within the scope of its prescribed powers and functions. Highly urbanized cities and independent component cities shall be independent of the province,” ani Konsehal Manong Nick.

Ang ordinansa aniya ay exercise ng regulatory powers ng LGU para ang hindi o ayaw sumunod sa patakaran ayon sa batas ay managot o tumalima dito, kaya may clearance para sa mga contractors o sub-contractors.

Ayon pa sa konsehal, itinatakda ng local government code ang koordinasyon at konsultasyon sa mga government agencies at LGU para sa maayos na implementasyon ng mga proyekto ngunit hindi din ipinagbabawal dito ang intergovernmental relations sa pagitan naman ng mga LGUs.

May naging hamon din si Konsehal Manong Nick sa mga kritiko na tumututol sa ordinansa.

“May pagsusumbungan naman kayo para sumuri-ang Presidente bilang siyang may supervisory powers over highly urbanized cities, mga court of law para mapatunayan kung tama nga ba ang alegasyon ninyong-may’question of law’ sa ordinansa – para baka sakaling makita rin namin ang totoong dahilan ng mga kritiko ng ordinansa sa kurso ng imbestigasyon – kung bakit nga ba ang simpleng Intergovernmental Relations ay big deal para sa iba? Ang mali, maitutuwid. Ang tama, itutuloy. O,eh ‘di tapos!,” saad ni Konsehal Manong Nick.

Pin It on Pinterest