News

Ilang beach resort sa Infanta, Quezon ipinasara

Ipinasara ng lokal na pamahalaan ang ilang beach resort sa Infanta, Quezon nitong Martes.

Ayon sa LGU, wala umanong maipakita ang mga ito na dokumento at permiso para makapag-operate.

Isinilbi ng Local IATF Roving Inspectorate Team ang closure order kasama ang Sangguniang Barangay ng Dinahican at Philippine Coast Guard.

Iniinspeksyon ng grupo ang mga establisimyento bilang paghahanda ng lokal na pamahalaan ngayong Semana Santa.

Tiniyak ng mga ito na natutupad ng mga negosyo ang mga kautusan ng local government hinggil sa pagkuha ng business permit at sinisiguro din na kumpleto ang mga kagamitan ng mga beach resort sakaling magkaroon ng insidente o sakuna.

Samantala bilang paghahanda pa rin sa pagdagsa ng mga turista, naglabas ng kautasan ang punong-bayan ng Infanta na nagtatakda ng curfew hour ng paglangoy sa mga pampublikong languyan.

Nakasaad sa excutive order na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang paglangoy sa mga public beaches, ilog o talon simula alas-6 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga simula ika-4 hanggang ika-9 ng Abril.

Ito ay bilang pag-iingat umano sa pagkakaroon ng mga insidente ng pagkalunod o iba pang panganib sa gabi kung saan mahirap matukoy ang kondisyon ng mga katubigan.

Pin It on Pinterest