News

Bagong mukha ng barangay hall at maayos na paggawa ng barangay annual budget – ibinida ni Kap. Peter Daleon sa Assembly Day ng Brgy. 11

Isa raw sa mga inilahad na significant accomplishment ni Kapitan Peter Daleon ng Barangay 11 sa Lungsod ng Lucena nitong nakaraang Barangay Assembly Day ay ang pagkakaroon ng bagong mukha ng barangay hall.

Ito ang sinabi ni Daleon sa panayam ng Bandilyo.ph at 89.3 FM Max Radio.

Bagama’t hindi kalakihan ang nasabing gusali o barangay hall ay isa na raw itong maayos, malamig at kaaya-aya para sa mga residenteng mag-aasikaso ng mga dokumento at iba pa.

“Well syempre is sabi ko sa kanila physical aspect nitong Barangay Hall na kung dating dadatnan nila mismong kayo eh pagpasok niyo pa lang sa mismong baba is parang bodega na ngayon ay nabigyan ko ng mukha na pagpasok mo ay nandito na ang business office at tatanggapin kayo ng tao at lahat ng constituents namin dito ay tatanggapin ng maayos, malamig at conducive para sa kanila.”

Maaliwalas naman sa paningin sa labas dahil sa pagkakapintura nito.

Ayon sa punong barangay, isang legasiya sa kanyang panunungkulan bilang ama ng barangay ang bagong mukha ng naturang gusali.

Dagdag pa niya, mas naging maaliwalas at epektibo ang paghahatid ng serbisyo ng barangay para sa kapakinabangan ng mamamayan.

Maliban dito, binigyang-diin din ni Kapitan Daleon sa mga kabarangay nito ang maayos na paggawa ng barangay annual budget para sa kaukulang pondo ng medical assistance, burial assistance, hospitalization, mga bills at iba pa.

“So ang isa pa ang binigyang-diin ko sa kanila doon sa aspect ng annual budget na kung dati rati pag maglalapit sila ng tulong hihingi sila ng tulong ay walang maibigay na tulong ang previous administration dahil walang item na donation sa annual budget dahil dinatnan ko ang 2018 lamang na budget hindi ako ang gumawa non, hindi ko administrasyon yon pinagpatuloy ko lang.”

Pinalakas rin daw niya ang pagbibigay ng medical assistance para sa mga kabarangay na kung saan siya ay papasok sa isang agreement sa isang pharmacy sa nasasakupan nang sagayon ay matugunan ang mga gamot na hinihingi ng mga constituents nito kung sakaling walang available na gamot sa kanilang health center batay sa dalang reseta.

Pin It on Pinterest