LocalNews

Sunog sa warehouse ng agri products sa Tayabas City, nagdulot ng pagtagas ng kemikal patungo sa Isabang River

Pinag-iingat ng Tayabas City Environment and Natural Resources Office o CENRO ang publiko na huwag munang maglaba o magpa-inom ng tubig sa mga hayop na nagmumula sa Isabang River.


Ito ay matapos umanong may tumagas na kemikal mula sa nasunog na warehouse ng mga feeds, pesticide at fertilizer ng Sunrise Dragon Jade Corporation sa Barangay Calumpang, nitong Linggo, Nobyembre 3.


Ayon sa ahensya, dahil sa malakas na ulan, may tumagas na mga kemikal sa dalyuan ng tubig patungo sa naturang ilog.
Nagsagawa na raw sila ng imbestigasyon katuwang ang City Health Office at nakakuha na rin ng water samples ang DENR-Environmental Management Bureau upang matukoy ang mga chemical content na napunta sa Isabang River.


Nakikipagtulungan naman umano ang kumpanya upang hindi na kumalat pa ang mga kemikal.


Batay sa ulat, umabot sa ikalawang alarma ang sunog kung saan aabot sa halos P5 milyon ang halaga ng natupok na ari-arian. Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP kung ano ang naging sanhi ng sunog.

Pin It on Pinterest