Legislative Council ng Lucena, Candelaria, Lucban kinilala ng SP Quezon
Kinilala ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Quezon ang natatanging pagganap at dedikasyon ng tatlong lehislaturang lupon sa lalawigan: ang Sangguniang Panlungsod ng Lucena, Sangguniang Bayan ng Candelaria, at Sangguniang Bayan ng Lucban sa regular na sesyon, Abril 6.
Tinanggap nina Lucena Councilors Benito “Baste” Brizuela Jr. at Christian Ona ang Provincial Resolution 2026 – 173 o A Resolution Extending the Warmest Congratulations and Highest Commendation of the Sangguniang Panlalawigan ng Quezon to the City Government of Lucena Through the Sangguniang Panlungsod for being Recognized as a National Finalist in 2025 Local Legislative Awards (Higly Urbanized City Category) during the 2026 Philippine Councilors League (PCL) Congress.
“This shows na our city, our mandate , our responsibility ay amin pong ginagawa and hopefully in the future makuha po namin ang #1 na panalo. This shows din po na maganda ang relasyon between the probinsya and the city,” pahayag ni Brizuela na siya ring PCL chapter president.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Presiding Officer Vice Mayor “Dondon” Alcala at SP Secretary Leonard Pensader sa SP Quezon para sa pagkilala sa tapat, mahusay at progresibong paglilingkod para sa kaunlaran ng Lucena City.
Kinilala rin ng SP Quezon ang pagiging national finalist ng Candelaria sa Local Legislative award para naman sa kategoryang 1st–3rd Class Municipality Category.
Ayon kay Vice Mayor Ireneo “Boyong” Boongaling na dati ring naging bahagi ng SP Quezon, isang karangalan para sa Sangguniang Bayan ng Candelaria ang mapabilang sa National Finalist sa 2025 Local Legislative Awards.
Patunay raw ito ng dedikasyon, maayos na pamamahala, at sama-samang pagsisikap ng mga lingkod-bayan at mamamayan. Inlahad niya na marami pang aksyon at serbisyong darating para sa kapakanan ng kanilang mamamyan.
Mismong si Lucban Mayor Agustin Villaverde kasama ang buong Sanggunian ng Bayan ng Lucban ang tumanggap ng pagkilala mula kay Vice Governor Anacleto Alcala III at mga board member para sa natanggap na parangal ng kanilang Revised Lucban Market Code of 2023 sa Gawad ng Galing Lokal na Batas (GGLB) 2026. Kinilala rin ang may akda nito na si Konsehal Marife Hari.

