Veterinary Medical Mission sa Sto. Tomas, Batangas para sa mga aso at pusang gala
Nagsagawa noong isang araw ng Veterinary Medical Mission sa bayan ng Sto Tomas sa Lalawigan ng Batangas para sa pagpapakapon ng mga alagang aso at pusa. Bukod sa pagkakapon ay namahag rin ang Vet Medical Mission ng mga vitamins para sa mga alagang hayop, anti-biotic at iba pang gamot para sa may sakit at pagbabakuna sa mga aso at pusa ng anti-rabies vaccine para maiwasan ang sakit na rabies. Layunin naman ng castration at ligation ng mga hayop sa Sto Tomas ay upang mabawasan ang mga gumagalang aso at pusa sa kanilang bayan. Kadalasang dahilan ng paggala ng mga alagang hayop ay hindi napapakain dahil sa dami ng alaga o sadyang pinabayaan na ng mga may-ari nito. Sa pamamagitan ng pagkakapon ay maiiwasan ang karagdagan pang mga hayop na posibleng hindi na rin maalagaan ng mga may-ari nito.
Sa pahayag naman ng opisina ni Sto. Tomas Mayor Edna Sanchez ay asahan ang kahalintulad na programa sa buong bayan. Katuwang naman sa aktibidad sa Sto Tomas ang pamahalaang lokal, Provincial Veterinary Office, Department of Agriculture Region 4A at HUMANE Society International.