2 lalaki, arestado sa pagnanakaw ng panlabang manok sa Lucban
Tiklo sina alyas Mark, 26-taong gulang, residente ng Brgy. Tinamnan at alyas Christopher, 31-taong gulang, naninirahan naman sa Brgy. Palola sa Lucban, Quezon dahil sa pagnanakaw ng dalawang panlabang manok.
Batay sa report ng lokal na pulisya sa pamumuno ni PMaj Wilher Cabrales, nagtungo sa kanilang himpilan ang biktimang si “Ariel” 49-taong gulang, residente ng Brgy. Tinamnan at iniulat na ninakaw ang dalawa niyang panlabang manok sa mini farm sa nabanggit na lugar.
Pinutol umano ng mga salarin ang net na nagsisilbing perimeter fence ng mini farm upang makapasok sa mini farm at tinangay ang dalawang Boston Sweeter fighting cocks na may halagang ₱10,000.00 bawat isa.
Isinalaysay ng biktima na natagpuan niya ang isang cellphone sa loob ng mini farm na pagmamay-ari ng mga salarin. Nagresulta naman ito sa pagkakakilanlan at pagtunton sa mga magnanakaw sa ikinasang follow-up operation ng mga tauhan ng Lucban Municipal Police Station.
Ang mga suspek umano ay itinuturo ring responsable sa mga nakawan sa kalapit na mga barangay.

