NewsRegional

Riders na sangkot sa kaguluhan sa Lipa City, inisyuhan ng show cause order ng LTO

May bago na namang inisyuhan ng show cause order sa Calabarzon.


Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) Region 4A laban sa limang riders na sangkot sa kaguluhan sa Lipa City.


Mabilis na kumalat online ang video ng suntukan at batuhan ng dalawang grupo ng riders sa naturang lugar.


Inatasan ng ahensya sa pamumuno ni Regional Director Elmer Decena ang mga may-ari at drayber ng mga sangkot na motorsiklo na magsumite ng verified comment o paliwanag kung bakit hindi sila dapat sampahan ng mga kasong administratibo.


Kabilang sa posibleng paglabag ang reckless driving, pagmamaneho ng hindi rehistradong sasakyan, paggamit ng depektibo o hindi awtorisadong mga piyesa at accessories, at pagpapahintulot sa hindi wastong tao na magmaneho ng sasakyan.


Ipinag-utos din ng opisyal ang pansamantalang suspensyon ng lisensya ng limang rider sa loob ng 90 araw habang isinasagawa ang imbestigasyon.


Ayon kay RD Decena, hindi maaaring palampasin ng ahensya ang ganitong uri ng asal sa kalsada. Aniya, ang kalsada ay hindi lugar para sa karahasan at personal na galit, kundi isang pampublikong espasyo na nangangailangan ng disiplina at respeto sa kapwa motorista.


Matatandaang nauna nang maglabas ng show casue order ang LTO Calabarzon sa mga sangkot sa road rage sa Cavite, at enforcer sa Rizal na nagtatago habang nanghuhuli.

Shawe Reyes

SHERWIN REYES reyesmsherwin@gmail.com 0945-576-2236

Pin It on Pinterest