4 na pamilya, apektado sa landslide sa Mulanay
Sa bayan ng Mulanay, apat na pamilya ang apektado sa pagguho ng lupa sa Barangay Poblacion 1.
Ayon sa mga residente, may narinig umano silang langitngit noong madaling araw ng Sabado at laking gulat nila nang makita na gumuho na pala ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay at bumagsak sa may tatlong metrong lalim na ilog.
Nasugatan sa insidente ang isang lalaki na agad namang nadala sa ospital.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, gumuho ang lupa dahil sa pagtaas ng tubig na umabot sa mga kabahayan na nagresulta sa pagkakabitak ng mga pader at dingding ng dalawang bahay.
Batay sa pagtataya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o DRRMO, aabot sa P200,000 ang halaga ng napinsala sa mga ari-arian.
Agad namang nagbigay ng tulong ang pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Aris Aguirre na naghatid ng food packs, hygiene kit, at sleeping kit sa mga naapektuhan ng insidente.
Pansalamantalang tumutuloy ang mga apektadong pamilya sa bahay ni Punong Barangay Jessie Recto.
Samantala, noong Oktubre 26, nakapagtala rin ng pagguho ng lupa sa Sitio Cayogcog, Barangay Santa Rosa bunsod nang walang tigil na pag-ulan dahil sa Bagyong Kristine.
Matatandaang isa ang Mulanay sa mga pangunahing bayan sa Quezon na isinailalim sa state of calamity dahil sa hagupit ng nagdaang bagyo.

