Higit P1.6M na ilegal na droga, nasamsam sa Quezon
Arestado ang isang high value individual drug suspect sa Quezon matapos ikasa ng Candelaria Municipal Police Station sa pangunguna ni PCpt Joseph Postrado ang drug operation sa Barangay Mangilag Sur, Candelaria, Quezon, Nobyembre 6 ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, nasamsam kay Alyas Rowell, 42-taong gulang at residente ng naturang lugar ang 12 heat-sealed transparent plastics na hinihinalang shabu na tumitimbang ng 82.1 gramo at isang heat-sealed transparent plastic na may tuyong dahon ng marijuana na tumitimbang naman ng 1.2 gramo.
May street value umano na aabot sa higit 1.6 milyong piso ang halaga ng nakumpiskang droga.
Ayon kay PltCol Ruben Lacuesta, Provincial Director ng Quezon Police, patuloy na naglalatag ng mga anti-illegal drug police operation ang mga awtoridad sa buong lalawigan upang ang kaligtasan ng mamamayan ay mapanatili laban sa pangamba ng illegal drugs.
Matatandaang nitong Oktubre 26 lamang, higit 2.2 milyong pisong halaga ng ilegal na droga rin ang nasamsam ng kapulisan sa isa ring high value individual drug suspect sa Lungsod ng Lucena.