LTO naglabas ng show cause order, subpoena kaugnay ng road rage sa Cavite
Nag-isyu ng Show Cause Order (SCO) at Subpoena ang Land Transportation Office (LTO) sa sangkot sa road rage sa Cavite.
Sa viral video, mapanonood na sinira ng driver ng Ford Everest ang wiper sa windshield ng bus habang sinisigawan at minumura ang nagmamaneho nito.
Ayon sa beripikasyon mula sa database ng LTO, ang nasabing Ford Everest ay huling nai-rehistro noong Hunyo 7, 2024.
Dahil dito, inaatasan ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao ang driver ng SUV gayundin ang mga rehistradong may-ari ng naturang behikulo, na humarap sa LTO-Intelligence and Investigation Division (LTO-IID) sa East Avenue, Quezon City sa Enero 14.
Ipinag-utos din ni Lacanilao na isasailalim sa “90 Days Preventive Suspension” ang lisensya ng driver at inaatasan siyang isuko ang kanyang lisensya sa panahon o bago ang itinakdang petsa ng pagdinig.
Samantala, pinadadalo at pinagpapaliwanag din ang may-ari at driver ng bus sa hearing.

