News

4Ps parent leader’s desk, itatalaga sa mga barangay sa Gumaca, Quezon

Sa harap ng ilang punong-barangay sa Gumaca, Quezon, nakipagpulong nitong Miyerkules ang mga kinatawan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), sa pangunguna ni Jennifer Senocin, Project Development Officer sa Sangguniang Bayan session hall.

Ito ay upang ipaalam sa mga barangay captains ang planong pagtatatag ng 4Ps Parent Leader Station sa 28 Barangay sa nasabing bayan, na mapagpapadali umano sa pagbibigay ng serbisyo sa mga kasapi at di-kasapi nito, at tutugon sa kanilang mga alalahanin na may kinalaman sa programa.

Ang mga tanggapan na ito ang magsisilbing “catchment area” ng mga malalayong barangay at siyang makikipag-coordinate sa Municipal Operation Office (MOO) sa munisipyo.

Ayon sa Gumaca local government, ito rin ay nakatanaw tungo sa layuning isulong ang pagpapalakas sa sektor ng kababaihan sapagkat ang mga kasalukuyang 4Ps Parent Leader ay mga babae.

Isasagawa ito sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga kasanayan ng opisina sa komunikasyon, pakikipag-ugnayan sa komunidad at BLGU (Barangay Local Government Unit), at mga kasanayan sa paglutas ng mga problema, na may pagsasaalang-alang sa mga alituntunin ng programa.

Ang RA 11310 o 4Ps Law ay isang batas na naglalayong matugunan ang kahirapan ng bansa. Umaasa umano ang LGU na sa ganitong gawain ay maiangat ang buhay ng kanilang residente sa pamamagitan ng pagtulong na maiparating sa kanila ang mga proyekto at programa ng pamahalaan.

Pin It on Pinterest