Hindi Pagsunod sa SRP, Maaaring Makulong o Pagmultahin
Maaaring makulong o pagmultahin ang isang establishment na hindi sumusunod sa SRP o suggested retail price.
Ito ang pahayag ng DTI Quezon Trade – Industry Development Specialist, Ruel Gabiola sa progamang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’.
“Maaari po silang magmulta ng 1 libo hanggang 1 milyong at makulong ng 1 hanggang 10 taon,” ayon kay Gabiola.
Aniya, nagbibigay ang DTI ng LOI o Letter of Inquiry na nakapaloob dito ang mga produktong nakita nilang lampas sa itinakdang SRP.
“At dito po ay binibigyan po naming sila ng 2 – 3 araw upang sumagot kung bakit itinitinda nila ito ng sobra sa itinakdang suggested retail price,” sabi ni Gabiola.
Dagdag pa ni Gabiola na kapag hindi reasonable ang justification ng isang establishment at napatunayang mas mababa pa sa SRP nakuha ang isang produkto, dito na pumapasok ang enforcement na maaaring gamitin sa Price Act.
Ayon pa sa Opisyal ng DTI kapag napatunayan na may paglabag, maaari itong magmulta o makulong.
Payo naman ni Gabiola sa mga mamimili na ngayong darating ang kapaskohan maging wais sa pamimili at ugaliing suriin ang mga produktong pinamimili.

