News

DTI : Quezon Sapat Pa ang Suplay ng Noche Buena Products

Sapat pa ang suplay ng mga noche buena products sa lalawigan ng Quezon base sa isinasagawang weekly monitoring ng DTI.

Ito ang pahayag ni DTI Quezon Trade-Industry Development Specialist Ruel Gabiola sa panayam ng programang ‘Usapang Tapat ni Manong Nick’.

Ilan daw sa mahalagang lugar na kanilang minomonitor ay ang Lucena City, Tayabas City, Pagbilao at iba pang munisipalidad sa second district na mayroong malalaking supermarket tulad ng Tiaong at Candelaria.

Dagdag pa ng opisyal ng DTI na medyo naging kakaiba daw ngayon ang suplay ng mga noche buena products dahil ang ilan sa mga ito ay noong nakaraang buwan lamang nagsimulang dumating.

“Ngayon lang po medyo kakaiba, kasi po dati daw ay ‘yung atin pong mga noche buena products October pa lang ay meron nang available sa ating mga supermarket pero ngayon po November na nung last week nagkaroon ng available na ham o ‘di kaya holiday ham meat kung tawagin natin,” ani Gabiola.

Batay naman daw sa kanilang monitoring pagdating sa presyo ay nakakasunod naman daw ang buong probinsya ng Quezon sa kanilang itinatakdang suggested retail price.

At kung mayroon man silang ilang napapansin na grocery stores na nagkakaroon ng medyo mataas na presyo kumpara sa kanilang itinalagang SRP ay hindi naman daw nila ito masasabing profiteering sapagkat ito ay nasa resonable price pa kung kanilang tawagin.

Pin It on Pinterest