News

Sim Card Online Registration Assistance para sa mga Senior Citizen, umarangkada sa Brgy. MarketView

Personal na ibinaba ang serbisyo-publiko ng Pamahalaang Barangay ng Barangay Market View sa Lungsod ng Lucena sa pamamagitan ng paglulunsad ng Sim Card Online Registration Assistance para sa mga Senior Citizens nito.

Ang naturang registration help desk na ito ay hatid ni Kgwd. Janinne S. Napule para sa mga lolo at lola na hindi pa nakakapagparehistro ng kanilang sim card.

“Ang pagbaba po ng Barangay Market View Help Desk patungkol po sa online registration sim card ng atin pong mga senior citizens ay napag-usapan po ng lahat ng nanunugkulan sa barangay dahil sa pag-iikot po natin marami nga po ang nahihirapan na makapag-register kung kaya’t minabuti po ng Barangay MarketView sa pangunguna po inyong lingkod sectoral concerns and health and sanitation na maasistehan at matulungan po yung ating mga kababayan patungkol po sa pag register po ng kanilang sim card.”

Ayon kay Kgwd. Napule, umarangkada na kahapon ang programa ng barangay sa layuning mas madali at ligtas na pagpaparehistro ng kanilang mga kabarangay bilang pagtalima sa SIM Registration Law.

Sa katunayan, target nilang ikutin ang lahat ng purok sa nasabing barangay upang ilapit ang tulong para hindi na umano mahirapan sa pagpunta ng barangay hall ang mga residente nito partikular ang mga senior citizens sa lugar.

“Nagsimula po ang pagbaba ng ating help desk kahapon po sa dako po ng Don Crisanto St. kung saan kineyter po natin yung mga Purok Pagkakaisa at yung mga taga Purok Masagana at ngayon naman pong araw na ito ay nandito po tayo sa Greenhills Phase 1 para ma-cater naman po yung mga taga Greenhills Phase 1 and 2. Dadako sa iba pang bahagi ng Barangay MarketView at sa iba’t ibang Purok nang sagayon po Barangay na po mismo ang maglapit ng tulong para sa ating mga kababayan hindi na po sila mahirapan pa na pumunta po sa ating barangay hall.”
Noong umagang iyon, sinamahan ni Joan ang kaniyang lolo para magparehistro ng SIM card sa nasabing help desk. Malaking tulong daw ang programang ito dahil mas mapapabilis ang proseso ng kanilang pagpaparehistro ng sim card.

“Thank you po Kgwd. Jannine dahil mas mapapabilis po ‘yung pagreregister nitong SIM dahil programa niya.”

Ikinagalak naman ng Senior Citizen na si Edna ang proyektong ito ng Kagawad dahil malaking tulong ang isinagawang facilitated SIM registration para makaiwas na sa mga iba pang scam.

Pinasalamatan din nito ang opisyal dahil madali at mabilis daw ang proseso ng pagpaparehistro.

“Para sa akin maganda para ano na din siguro para yun nga kasi diba yung iba ay nahahack yung kanilang account siguro naman ay hindi na mangyayari yon sa pamamagitan ho ni Kagawad Napule kahit papaano hindi na mahirap magparehistro kasi nandito na sila”.

Ang magpaparehistro ng sim ay inaabisuhang magdala ng form, 2×2 picture at Senior Citizen ID na mula sa Senior Citizen Affairs ng Lungsod ng Lucena o anumang valid government ID.

Layunin pa aniya ng SIM Registration Act na mapigilan ang paggamit ng mga SIM card sa krimen, kabilang na sa text at online scams.

Una nang sinabi ng Department of Information and Communications Technology o DICT na wala nang extension sa April 26 na deadline ng SIM registration.

Ito’y sa kabila pa ng apela ng Public Telecommunication Entities na palawigin ang SIM registration period dahil marami pa ang hindi nagpaparehistro.

Muling inulit ng DICT, ang panghihikayat nito sa publiko na magparehistro na ngayong isang linggo nalang bago ang deadline.

Nagpaalala rin ito na ang kabiguang magrehistro ay magreresulta sa deactivation ng SIMs at eSIMs.

Pin It on Pinterest