Quezon, Caloocan, muling magbabangaan
Muling magbabanggaan ang Quezon at Caloocan! Sa pagkakataong ito, sa Maharlika Pilipinas Basketball League naman sa darating na Huwebes, Hunyo 13, 8:00 ng gabi.
Huling nagsagupaan ang dalawang koponan sa Pilipinas Super League (PSL). .Tinalo ng Caloocan ang Quezon sa regular season ngunit dalawang beses namang nanaig ang Titans sa Quarterfinals ng liga.
Maganda ang naging match-up nila sa PSL dahil laging dikdikan ang kanilang laban. Nagtapos ang regular season na 4th seed ang Caloocan habang 5th Seed naman ang Quezon na may parehong record na 14-4.
Nagtapat ang dalawa sa 2nd round ng playoffs na may twice-to-beat advantage ang Supremos. Umabot ng dalawang overtime ang kanilang first game, 80-74 habang dikit sa 56-54 ang resulta ng second game.
Mauulit lang kaya ang scenario o makababawi na ang mga Batang Kankaloo?
Gozum-less Huskers
Malaki ang naging kontribusyon ni NCAA MVP Will Gozum sa mga nabanggit na laban. Nag-average siya rito ng 11 points per game at magandang depensa kontra sa malalaking player ng Caloocan. Ngayong out-of-season na ang bigman ng Quezon, mapupunan kaya ng ibang manlalaro ang kanyang gampanin sa ilalim ng basket?
Banal, Ang Pagbabalik
Hindi nakalaro sa PSL si Gab Banal noon dahil sa injury. Ngayong nagbabalik sa court ang isa ring MVP, susubukan niyang humalili sa opensang inwan ni Gozum. Si Banal ang top 3 scorer ng Huskers na may average na 9.9ppg at 5 rpg sa pitong laro niya sa koponan.
Gravera to the Rescue
Isa sa inaasahan ngayong manlalaro ng Huskers ay si dating FEU star high flyer Rodel Gravera. Sa laban kontra sa Negros Muscovados, nagrehistro ang forward ng double-double na 18points at 12 rebounds. Sa walong laro niya sa koponan, mayroon siyang average na 6.1 points at 5.1 rebounds sa 12.5 minutong nasa loob ng court. Ngayong wala si Gozum, inaasahan na tataas ang kanyang statistics dahil tiyak na hahaba ang kanyang playing time.
Fuentes-Gonzales – Backcourt Duo
Kung magiging dikit ang laban, magiging sandigan ng Huskers ang kanilang backcourt duo na sina LJay Gonzales at PSL Finals MVP Judel Fuentes. Nasubukan na ito sa mga laban nila kontra sa mga powerhouse team na Zamboanga Master Sardines, Parañaque Patriots, at Batangas City Tanduay Rum Masters. Si Gonzales ang number one scorer ng Huskers na may 11.5ppg sa walong laro niya habang si Fuentes naman ang pangalawa na may 11ppg sa seven games niya sa koponan.
Marami pang role player ang Huskers na maaaring pumutok kung hindi maganda ang nilalaro ng kanilang mga main man. Hindi pwedeng balewalain ang mga homegrown guards na sina Lucena City Mayor Mark Alcala at Christopher “Topeng” Lagrama ganoon din ang newly acquired sharp shooter na si Xyrus Torres na ilang beses na ring nagpapakawala ng mga big time threes sa 10-game winning streak ng Quezon. Hindi rin magpapahuli ang mga all around players nila na sina Xymon Sandagon, Domark Matillano, RJ Minerva, at Jayson Opiso na kayang makipagsabayan sa ilalim ng basket at mayroon ding mga mid-range at outside shooting.
Number 2 ang Huskers sa power rankings ng MPBL habang isinusulat ang artikulong ito. Nangunguna sa kanila ang tinalo nila noon sa PSL Finals na Nueva Ecija Rice Vanguards na malinis pa rin ang record.

