Senior Citizen sa Dolores, nagtapos sa tulong ng ALS
Pinatunayan ng isang 71-taong gulang na si Lola Leonila Capule, residente ng Barangay Manggahan, Dolores, Quezon na hindi hadlang ang edad para makagtapos ng pag-aaral.
Nitong Mayo 29, kasama niyang nagtapos sa tulong ng Alternative Learning System (ALS) – Elementary ang 83 na kabataan sa Dolores Central School.
Kwento ng pamahalaang lokal, nagtanong umano si Lola Leonila na “pwede po ba akong mag-aral kahit 71-years old na ako” nang minsang may pumuntang guro sa kanilang lugar para makapagturo sa mga nais mag-aral.
Naging kaagapay umano ng senior citizen ang kanyang dalawang anak, dalawang manugang, at isang apo na kasama rin niyang pumasok sa ALS at gumagawa ng assignment at module.
Ginagawa niya umano ito kasabay nang pag-aalaga sa kanyang mga apo at mga gawaing bahay.
Nagpurgise raw si Lola Leonila na makapag-aral para makamit ang inaasam na diploma at maging inspirasyon sa kanyang pamilya.