Senior Citizen na may-ari ng resort, pinaslang umano ng sinisanteng trabahador
Duguan at wala ng buhay nang matagpuan ang isang babaeng senior citizen na may-ari ng isang resort sa Bauan Batangas matapos umano pasukin ang bahay nito ng dati niyang trabahador.
Nakahandusay sa sala ng kanilang tahanan sa Barangay Durungao ang 73-anyos na si ‘Carmen’ nang makita ng kanyang anak.
Batay sa imbestigasyon, pinukpok umano ng flower vase sa ulo at mukha ang biktima na naging sanhi nang pagkamatay niya.
Tinitingnan na paghihiganti ang motibo ng suspek matapos itong tanggalin sa trabaho.
Napag-alaman na laging inaaway ng suspek ang biktima noong nagtatrabaho pa sa resort.
Patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na kakasuhan ng murder.