Bagyong Paeng matinding pinsala ang iniwan sa Barangay Talao-Talao, Lucena City
Matapos manalasa, matinding pinsala ang iniwan ni Bagyong Paeng sa ari-arian at pangkabuhayan ng mga residente ng barangay Talao-Talao sa Lucena City.
Sa lakas ng hanging dala ng bagyo, ilang puno ang natumba. Winasak ng malalakas na hampas ng alon ang maraming bahay na malapit sa baybaying-dagat.
Sabi ng residenteng si Mamang Boy kung hindi kaagad nailikas ang kanilang mga gamit sa bahay, wala raw matitira kasamang tatangayin ng daluyong alon.
“Hindi naman naano ang mga gamit bahala na masira ang bahay ‘wag lang maano ang gamit ang importante buhay,” sabi ni Mamang Boy.
Maraming residenteng apektado ang unti-unti nang kinukumpuni ang mga ari-ariang nasira.Pero ang ilang bahay na malapit sa baybayin halos wala ng natira sa tindi ng hagupit at paghampas ng along dala ni Paeng.
Ang nakakapanlumo sabi ng ilang mangingisda ay ang wasakin ng bagyo ang kanilang mga bangka na pangunahing gamit sa kanilang hanapbuhay.
Dalawa sa bangka ni Mamang Eber ang nasira na hindi kaagad na nailikas dahil sa lakas ng hangin at alon na dala ng animo’y dilubyong bagyo.
“Noong Sabado ng gabi ang pinakalalakas nabuwal ang mga puno, mahirap lumabas, ‘yung mga palakaya naming hindi naimpis saka ang bangka ang nadali,” sabi ni Mamang Eber.
Pati raw mga lambat hindi nakaligtas sa pagkasira, sabi n’ya nasa walumpong porsyente ng mga mangingisda sa kanilang lugar ang halos nawalan ng kabuhayan.
Umaapela sila ngayon ng tulong sa pamahalaang lokal, provincial government at maging sa nasyunal na gobyerno.
“Sa mga mahal na nanunungkulan sa bayan sana ay matulungan n’yo ang barangay Talao-talao, lalo na ang mga mangingisda,” panawagan ni Mang Eber.
Sa tala ng barangay, higit 60 mga bangka ang nasira, ang iba rito halos wala ng mapapakinabangan.
Hindi naman bababa sa 70 mga kabahayan ang winasak ng bagyo karamihan ay iyong sa nasa tabing dagat.
Ikinokonsidera ng kapitan ng barangay na si Reil Briones na lahat ng mangingisda sa kanilang komunidad ay apektado ng hagupit ni Paeng.
“Kung ang pag-uusapan ay iyong pinsala sa kabuuan sa mangingisda, halos lahat kasi ng mangingisda ay napinsala ng bagyo dahil ito kasing lakas ng hangin ay aabutin pa ito ng isang linggo kahit hindi nasiraan ng bangka hindi ka makakalaot, walang pangkabuhayan,” sabi ni Kapitan Reil Briones.
Nagbigay na ng paunang ayuda ang barangay sa lahat ng apektadong residente
“Kahit tig-kakaunti man basta lahat mayroon dahil ang claim naman ay lahat ay apektado,” dagdag ni Kapitan Briones.
Dagdag pa ng kapitan, naisumite na raw nila sa lokal na pamahalaan ang mga datos ng mga apektadong residente, lalo na ang mga pamilyang nasiraan ng bahay at higit sa mga mangingisda na nasiraan ng mga bangka para sa anong tulong mula sa gobyerno.
Samantala, sa lakas ng alon sa karagatan noong kasagsagan ng bagyo isang cargo ship ang sumadsad sa baybaying-dagat ng Barangay Talao-Talao.
Sa buong Lungsod ng Lucena, isa ang nasabing barangay sa lubhang apektado ng nagdaang bagyo bagamat nagsagawa ng pre-assessment ang DRRMO ng Lucena City upang makita ang laki ng pinsala sa mga lugar sa lawak ng damage aabutin pa ng ilang araw bago malaman ang halaga ng pinsala sa ari-arian at kabuhayan sa buong lungsod.
Nais isailalim ang Lucena City sa State of Calamity.