Quezon Huskers, 3-0 na sa MPBL Preseason
Pinatunayan pa rin ng Quezon Huskers na sila ang back-to-back Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) South Division Champion.
Mainit ang umpisa ng Huskers sa preseason games ng liga sa kabila nang pagkawala ng main rosters na nagdala sa koponan sa top spot ng naturang dibisyon.
Pinaramdam agad ng mga bagong manlalaro ng koponan ang kanilang presensya sa pangunguna ni SEA games gold medalist Ced Manzano na dalawang beses nang itinanghal bilang best player of the game. Sa 3-game winning streak, may average na double-digit 12 points ang rising bigman.
Katuwang niya sa ilalim ng basket ang MPBL champs na sina Chris Lalata na may 10 points per game sa tatlo niyang laro at Will McAloney na may 11 at limang puntos sa kanyang first two games na may limitado pang minuto.
Nagpamangha rin agad sa Quezonian fans ang mga batang backcourt players na sina Jolo Manansala na nagrehistro agad ng 15 puntos sa panalo kontra Junior MPBL D-League, Cyrus Tabi na mayroong 7.6 points per game, at John Abate na may record namang 6.6 puntos sa tatlong salang sa hardcourt.
Hindi rin naman nagpahuli ang mga role player ng Huskers na sina Joshua Yerro, Christian Pagaran, Rodel Gravera, at RJ Minerva na may quality minutes ngayong preseason.
Sa naturang streak, tinalo nila ang young core na D-League, 118-80; Marikina Shoemasters, 85-79; at Muntinlupa Cagers, 90-76.
Sunod nilang makatutunggali ang Ilagan Isabela Cowboys sa darating na Pebrero 24.
Samantala, nananatili ring hari ng kabilang bracket ang defending champion na Abra Soild North Weavers na may kartada ring 3-0.

