Business permit ng PrimeWater sa Sta. Cruz, Laguna, suspendido na
Naglabas ng Executive Order No. 40 si Sta. Cruz Laguna Mayor Joseph Benjamin Kris Agarao na nagbabalik ang operasyon ng patubig sa Sta Cruz Water District (SCWD) matapos suspendihin ang business permit ng Prime Water na pagmamay-ari ng mga Villar.
“Tumindig ako kasama ng taumbayan sa pagdinig ng Senado laban sa Prime Water. Ang tubig ay hindi lamang kalakal—ito ay isang pangunahing karapatan. Dapat marinig ang tinig ng mga komunidad at dapat pairalin ang pananagutan. Ang laban na ito ay hindi lang tungkol sa mga kontrata, kundi tungkol sa katarungan, pagkakapantay-pantay, at ang pagtitiyak na bawat Pilipino ay may ligtas at abot-kayang tubig,” pahayag ni Agarao.
Nag-ugat ang suspensyon sa patong-patong na reklamo ng mga residente dahil sa palpak na serbisyo subalit patuloy na paniningil.
Hindi umano nagampanan ng kumpanya ang nakasaad sa kontrata ng Joint Venture na maayos na patubig sa bawat customer.
Samantala, nagkaroon naman ng hindi pagkakaunawaan ang Prime Water at SCWD matapos ang pagpapasara sa pasilidad.
Nagresulta ito ng pagkakaaresto ng dalawang empleyado ng Prime Water nang ikulong ang isang water operator ng Sta. Cruz Water sa loob ng pumping station.