Magsasaka, mangingisda, nanawagan kay Sariaya Mayor Gayeta na manindigan sa 2018 Zoning Ordinance
“Manindigan ka sa 2018 Zoning Ordinance.”
Isa ‘yan sa panawagan kay Sariaya Mayor Marivic Gayeta ng mga magsasaka, mangingisda, at kabataan sa isinagawang kilos-protesta sa Brgy. Manggalang-Kiling.
Nakasaad sa naturang ordinansa ang mga pinapayagan at ipinagbabawal na aktibidad bawat zone. Kasama rin dito ang mga pamantayan tulad ng building height, setbacks, density, at iba pa. Layon nito na ipatupad ang maayos na development, maiwasan ang hazard o overdevelopment, at suportahan ang maayos na urban at rural planning.
Ayon sa Katarungan-Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungan Panlipunan, sinabi ng mga magsasaka na may mga grupong nag-iikot sa kanilang komunidad na umano’y magpuputol ng mga puno.
Usap-usapan din daw na nabili na ng San Miguel Corporation, sa pangunguna ni Ramon Ang ang lupa at may mga plano raw na tayuan ng international port ang mga nasabing lugar na banta hindi lamang sa tahanan at kabuhayan ng nabanggit na mga sektor kundi maging sa mga bakawan na nagbibigay proteksyon sa komunidad sa panahon ng bagyo.
Nagpasa raw ng resolusyon ang Sangguniang Bayan na sumusuporta sa mga magsasaka at kumikilalasa mahalagang ambag nila sa sa suplay ng pagkain at sa pag-unlad ng lokal na ekonomiya ng munisipalidad. Ngunit, tahimik ang alkalde sa kanilang usapin.
Panawagan din nila aksyunan ang kanilang kahilingan na muling buksan sa Korte Supreme ang isyu sa kanselasyon ng kanilang mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Maraming beses na raw na nagsagawa ng field validation at mga pagpupulong ang Presidential Agrarian Reform Council (PARC) upang tukuyin ang mga legal na hakbang para maprotektahan ang karapatan sa pagkain, kabuhayan, tirahan, at kalikasan ng mga taga-Sariaya subali hanggang ngayon ay wala pa rin itong naaabot. //via Katarungan-Kilusan para sa Repormang Agraryo at Katarungan Panlipunan

