Cargo ship, sumadsad sa Brgy. Talao-Talao, Lucena City
Sumadsad sa baybayin ng Purok Kanluran, Barangay Talao-Talao sa Lungsod ng Lucena ang isang cargo ship dahil sa lakas ng hangin at alon nitong Sabado bunsod ng Bagyong Paeng.
Ayon sa Punong Barangay na si Reil Briones, ang naturang barko ay binantayan na nila nitong Sabado ng gabi matapos na makatanggap ng report mula sa mga residente ng Purok Talisay.
Nangangamba raw kasi ang mga ito na baka sa kanilang mga kabahayan sumadsad ang barko pero sa isang resort sa lugar ito sumadsad.
“Actually, noong Sabado ng gabi ay isa ‘yan sa mga binantayan natin medyo nagkaroon nga ng kumbaga narindi ‘yung tao doon sa bahagi ng Purok Talisay dahil muntik ng sumadsad yung barko. Actually, madaling araw pumunta tayo sa Coast Guard at nakipag-ugnayan tayo kaya lang sa sobrang lakas ng hangin ‘yung barko sumadsad dito sa isang resort sa may Purok Kanluran,” ani Kapitan Reil Briones,
Nauna nang nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard noong Sabado ng hapon upang tingnan at tiyakin na hindi ito sasadsad sa baybayin.
Matapos na sumadsad ang barko, sinabi ni Briones na ayon daw sa personnel ng PCG ay makikipag-ugnayan sa tanggapan ng barangay ang agent nito para sa danyos ng insidente kung anuman ang magiging assessment ng mga kinauukulang ahensya.
“Ngayon tumawag po ‘yung Coast Guard at ang sabi makikipag-ugnayan dito sa barangay ‘yung agent noon hong shipping lines na sumadsad,” sabi ni Kapitan Briones.
Sa ngayon ay nakipag-ugnayan na raw ang mga personnel ng PCG at Maritime sa barangay dahil sa sumadsad na barko habang inaantay naman ang pagtugon ng shipping lines company sa insidente.