News

Dagdag presyo sa langis, ipinagtataka ng mga tsuper

Nagtataka ang ilang jeepney driver kung bakit noong nakaraaang linggo ay ₱0.60 ang rollback sa kada litro ng gasolina at kerosene at ₱0.30 naman na rollback sa kada litro ng diesel.

Pero nitong Martes, June 13, 2023 sa naging oil price adjustment, ₱1.40 ang taas-presyo sa kada litro ng diesel, ₱1.20 naman sa kada litro ng gasolina, at ₱1.30 sa kerosene at gaas.

Bakit daw ganoon?, ang sabi ng tsuper na si Mang Hener.

“Hindi natin maintindihan kung bakit ganoon ang nangyayari. Pagpababa, maliit lamang kapag magtaas, mahihilahan pa kami,” sabi ng driver na si Mang Hener.

Ang ganitong pangyayari ang nakakadismaya sabi pa ng ilang jeepney driver tila ba niloloko na ang mga motorista.

“Parang niloloko dahil baba-taas. Ang ibababa, piso, ang itataas, dos, tres ganoon”.

Tapos kung magtaas daw ng presyo ang mga kompanya ng langis ilang beses na sunod-sunod, kung bumaba naman daw minsanan lang.

“Mas malaki po ang itinataas kaysa ibinababa”.

“Niloloko na nila ang taong bayan”.

Mabigat daw ngayon sabi ng mga tsuper ang patuloy na dagdag-presyo sa produktong petrolyo lalo at mahina ngayon ang pamamasada.

“Ganito lang tiyagaan”.

Hindi na daw katulad dati ang kanilang kinikita sa maghapon. Sa boundery at langis lamang, halos daw napupunta ang kanilang pinagpapaguran lalo at marami na raw silang kakompetensya ngayon, gaya ng tricycle at taxi.

Kaya ramdam ang bawas-kita sa pagtaas sa presyo ng petrolyo.

Sabi ng mga tsuper hindi lang naman sila ang apektado sa pagtaas ng presyo ng petroleum product kundi lahat.

Samantala, una nang ipinaliwanag ng Department of Energy (DOE) na ang taas-presyo ay bunsod ng desisyon ng mga bansang miyembro ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) na bawasan ang kanilang produksyon.

Pin It on Pinterest