News

Quezon, nanguna sa pagpapatupad ng Universal Health Care Law

Nanguna ang lalawigan ng Quezon sa implementasyon ng Universal Health Care Law sa buong bansa.

Mismong sina Quezon Vice Governor Anacleto Alcala III at Board Member John Joseph Aquivido ang naghayag nito sa plenaryo ng Sangguniang Panlalawigan nitong Martes.

Ayon kay Aquivido, chairman ng Committee on Health, 78 mula sa 96 na requirements para sa pagpapatupad ng UHC ang naisakatuparan na ng provincial government.

Samantala, ang nalalabing umanong 18 requirements ay tumutukoy na lang sa financial capacity ng lalawigan para sa full implementation ng universal health care.

Kung kaya’t pinapaasikaso na ni Governor Angelina Tan sa Provincial Health Office at Budget Office na mapaglaan ng pondo ito lalo na ang Konsulta Packages para sa konsultasyon at health risks screening and assessment sa bawat ospital na pinangangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan.

Taong 2019 nang maging ganap na batas ang universal health care na nagmamandato na ang lahat ng Pilipino ay may pantay na karapatan sa pag-access sa de-kalidad at abot-kayang gamit at serbisyo ng kalusugan at proteksyon laban sa mga panganib sa pananalapi.

Pin It on Pinterest